1 Samuel 2:14-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo.

15. At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.”

16. Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.”

17. Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.

18. Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit na gawa sa telang linen.

19. Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog.

20. Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.

21. Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.

22. Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

23. Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito?

24. Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon.”

25. Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa Panginoon?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.

26. Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

27. Lumapit ang isang lingkod ng Dios kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Egipto.

1 Samuel 2