1 Samuel 19:15-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Nang ibinalita nila ito kay Saul, pinabalik sila ni Saul para tingnan nila mismo si David, at sinabihan ng ganito, “Dalhin ninyo siya sa akin na nakahiga sa kanyang higaan para mapatay ko siya.”

16. Pero nang pumasok sila sa bahay ni David, nakita nila na ang nakahiga ay isang dios-diosan na may balahibo ng kambing sa ulo.

17. Sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako niloko, at pinatakas ang aking kaaway?” Sumagot si Mical, “Sinabi niya sa akin na papatayin niya ako kapag hindi ko siya tinulungang makatakas.”

18. Nang makatakas si David, pumunta siya kay Samuel sa Rama at sinabi niya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Pagkatapos nito, pumunta sila ni Samuel sa Nayot at doon nanirahan.

19. Nabalitaan ni Saul na si David ay nasa Nayot sa Rama,

20. kaya nagpadala siya ng mga tauhan para hulihin si David. Pagdating nila roon, nakita nila ang mga propetang nagpapahayag ng mensahe ng Dios at pinangungunahan ni Samuel. Pagkatapos, napuspos ng Espiritu ng Dios ang mga tauhan ni Saul at nagpahayag din sila ng mensahe ng Dios.

21. Nang marinig ni Saul ang nangyari, muli siyang nagpadala ng mga tauhan para hulihin si David. Pero pagdating nila doon, ganoon din ang nangyari, nagpahayag din ang mga ito ng mensahe ng Dios. Muling nagpadala si Saul ng mga tauhan sa ikatlong pagkakataon pero ganoon din ang nangyari sa mga ito.

22. Sa bandang huli, si Saul na mismo ang pumunta sa Rama. Pagdating niya sa malaking balon ng Secu, nagtanung-tanong siya kung nasaan sina Samuel at David. Sinabi sa kanya na nasa Nayot sila.

23. Kaya pumunta si Saul sa Nayot. Pero habang nasa daan, pinuspos rin siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios hanggang sa makarating siya sa Nayot.

24. Nang naroon na siya, hinubad niya ang kanyang damit at nagpahayag ng mensahe ng Dios sa harapan ni Samuel. Nahiga siya nang nakahubad buong araw at gabi. Ito ang dahilan kung bakit nagtatanong ang mga tao, “Naging propeta na rin ba si Saul?”

1 Samuel 19