22. Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23. Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24. Nang ibalita nila ito kay Saul,
25. sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.
26. Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw,
27. sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.
28. Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David,
29. lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya.
30. Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.