15. Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot.
16. Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.
17. Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”
18. Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”
19. Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.
20. Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya.
21. Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”
22. Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23. Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24. Nang ibalita nila ito kay Saul,
25. sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.