1 Samuel 17:46-54 Ang Salita ng Dios (ASND)

46. Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel.

47. Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”

48. Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David.

49. Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.

50. Kaya tinalo ni David si Goliat sa pamamagitan lang ng tirador at isang bato. Napatay niya si Goliat kahit wala siyang dalang espada.

51. Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo.

52. Sumugod ang mga sundalo ng Israel at Juda na sumisigaw, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat at Ekron. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Filisteo sa daan ng Shaaraim hanggang sa Gat at Ekron.

53. Pagkatapos nilang habulin ang mga Filisteo, nagsibalik sila at sinamsam ang mga naiwan sa kampo ng mga Filisteo.

54. Dinala ni David ang ulo ni Goliat sa Jerusalem, at inilagay sa kanyang tolda ang mga armas ni Goliat.

1 Samuel 17