38. Ibinigay niya at ipinasuot kay David ang mga kasuotan niyang pandigma – ang tansong helmet at panangga sa dibdib.
39. Pagkatapos, isinukbit ni David ang espada ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit, dahil hindi pa siya sanay na gumamit ng mga ito, sinabi niya kay Saul, “Hindi po ako makikipaglaban na suot ang mga ito, hindi po ako sanay.” Kaya hinubad niya ang lahat ng ito.
40. Pagkatapos, kinuha niya ang kanyang tungkod, pumulot ng limang makikinis na bato sa sapa at inilagay sa balat na lalagyan. Dala-dala ang kanyang tirador, lumapit siya kay Goliat.
41. Lumapit si Goliat kay David na pinangungunahan ng tagapagdala niya ng armas.
42. Nang makita niyang binatilyo lamang si David, magandang lalaki at may mamula-mulang pisngi, hinamak niya ito.
43. Sinabi niya kay David, “Aso ba ako at patpat iyang dala-dala mo?” At isinumpa niya si David sa ngalan ng kanyang mga dios.
44. Sinabi pa niya, “Lumapit ka rito at ipapakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at sa mababangis na hayop!”
45. Sumagot si David, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng hukbo ng Israel na iyong hinahamon.
46. Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel.
47. Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”
48. Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David.
49. Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.
50. Kaya tinalo ni David si Goliat sa pamamagitan lang ng tirador at isang bato. Napatay niya si Goliat kahit wala siyang dalang espada.
51. Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo.
52. Sumugod ang mga sundalo ng Israel at Juda na sumisigaw, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat at Ekron. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Filisteo sa daan ng Shaaraim hanggang sa Gat at Ekron.
53. Pagkatapos nilang habulin ang mga Filisteo, nagsibalik sila at sinamsam ang mga naiwan sa kampo ng mga Filisteo.
54. Dinala ni David ang ulo ni Goliat sa Jerusalem, at inilagay sa kanyang tolda ang mga armas ni Goliat.
55. Habang pinagmamasdan ni Saul si David na papalapit kay Goliat para makipaglaban, tinanong ni Saul si Abner, na kumander ng mga sundalo, “Abner, kaninong anak ang binatilyong iyan?” Sumagot si Abner, “Hindi ko po alam, Mahal na Hari.”