1 Samuel 17:17-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Isang araw, sinabi ni Jesse kay David, “Anak, dalhin mo agad itong kalahating sako ng binusang trigo at sampung pirasong tinapay sa mga kapatid mo na nasa kampo.

18. Dalhin mo rin itong sampung pirasong keso sa pinuno ng hukbo. Kumustahin mo rin ang kalagayan ng mga kapatid mo roon. At sa pagbalik mo rito, magdala ka ng katunayan na mabuti ang kalagayan nila.

19. Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.”

20. Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban.

21. Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban.

22. Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya.

23. Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David.

1 Samuel 17