1 Samuel 17:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka.

2. Tinipon din ni Saul ang mga Israelita, at nagkampo sila malapit sa Lambak ng Elah. Naghanda sila sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo.

3. Ang mga Filisteoʼy nasa isang burol at ang mga Israelita namaʼy nasa kabilang burol, nasa gitna nila ang lambak.

4. Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan ang kanyang taas.

5. Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo.

6. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat.

7. Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.

8. Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin.

9. Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin.

10. Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.”

11. Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.

12. Ngayon, may anak si Jesse na nagngangalang David. Si Jesse ay taga-Betlehem, na mula sa lahi ni Efraim sa lupain ng Juda. Matanda na si Jesse nang mga panahong iyon. May walo siyang anak na lalaki.

1 Samuel 17