16. Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.” “Ano iyon?” Tanong ni Saul.
17. Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel.
18. Inutusan ka niyang ubusin ang lahat ng makasalanang Amalekita at labanan sila hanggang sa maubos silang lahat.
19. Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20. Sumagot si Saul, “Pero sinunod ko ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga tao sa nasasakupan niya.
21. Pagkatapos, kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagandang tupa, baka at mga bagay-bagay na nasamsam sa digmaan, na nakatalagang wasakin nang lubos. Dinala nila ang mga ito rito sa Gilgal para ihandog sa Panginoon na iyong Dios.”
22. Pero sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa.
23. Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, inayawan ka rin niya bilang hari.”
24. Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari.
25. Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.”
26. Pero sinabi ni Samuel, “Hindi ako sasama sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa Panginoon, ayaw na niya sa iyo bilang hari ng Israel.”
27. Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito.
28. Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo.
29. Ang Dios ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.”
30. Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, parangalan mo ako sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Dios.”
31. Kaya sumama si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32. Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwala na lumapit kay Samuel si Agag. Iniisip niya na hindi na siya papatayin.