1 Samuel 15:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako noon ng Panginoon para pahiran ka ng langis at ipakita sa mga mamamayan ng Israel na ikaw ang pinili niyang hari. Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon.

2. ‘Ako ang Makapangyarihang Panginoon. Parurusahan ko ang mga Amalekita dahil sa pagsalakay nila sa mga Israelita nang inilabas ko sila sa Egipto.

3. Salakayin ninyo ang mga Amalekita. Lipulin ninyo nang lubusan ang lahat ng naroroon. Patayin ninyo silang lahat, mga lalaki, babae, bata at mga sanggol, pati na rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at mga asno.’ ”

4. Kaya tinipon ni Saul ang mga sundalo sa Telaim. May 200,000 sundalo ang nagtipon, bukod pa ang 10,000 mula sa Juda.

5. Pinangunahan sila ni Saul papunta sa lungsod ng Amalek at naghintay sa natuyong ilog para sumalakay.

6. Nagpasabi siya sa mga Keneo, “Lumayo kayo sa mga Amalekita para hindi kayo mamatay kasama nila. Naging mabuti kayo sa lahat ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.” Kaya lumayo ang mga Keneo sa mga Amalekita.

7. Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Egipto.

8. Nilipol nila nang lubusan ang lahat ng Amalekita, pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lang.

9. Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng maiinam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapapakinabangan ay nilipol nila nang lubusan.

10. Sinabi ng Panginoon kay Samuel,

11. “Nalungkot ako na ginawa kong hari si Saul. Sapagkat tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.

12. Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Pero may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”

13. Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka sana ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.”

1 Samuel 15