46. Ipinatigil na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo at bumalik na ang mga Filisteo sa kanilang lugar.
47. Nang maghari si Saul sa Israel, nakipaglaban siya sa mga kalaban nila sa paligid. Ang mga kalaban niya ay ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, hari ng mga Zobita at mga Filisteo. Natatalo niya ang sinumang makalaban niya.
48. Buong tapang siyang nakipaglaban at natalo niya ang mga Amalekita. Sa pamamagitan nito, iniligtas niya ang mga Israelita sa kamay ng mga sumasalakay sa kanila at sumamsam ng kanilang mga ari-arian.
49. Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Ishvi, at Malki Shua; si Merab naman ang kanyang panganay na babae, at si Mical ang bunsong babae.
50. Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay ang pinsan niyang si Abner, anak ng tiyuhin niyang si Ner.
51. Ang ama ni Saul na si Kish at ang ama ni Abner na si Ner ay magkapatid, silaʼy mga anak ni Abiel.
52. Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging matindi ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Kapag may nakikita si Saul na malakas at magiting na lalaki, ginagawa niya itong sundalo niya.