1 Samuel 14:28-42 Ang Salita ng Dios (ASND)

28. Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.”

29. Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot.

30. Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”

31. Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Ayalon, napagod at nagutom sila nang husto.

32. Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga tupa at baka na kanilang nasamsam, at doon mismo ay kinatay nila ang mga ito at kinain nang hindi inalisan ng dugo.

33. May nagsabi kay Saul, “Tingnan nʼyo, nagkakasala sa Panginoon ang mga tauhan ninyo dahil kumain sila ng karneng may dugo pa.” Sinabi ni Saul, “Isang malaking pagtataksil ito! Humanap kayo ng isang malaking bato at pagulungin nʼyo rito.

34. At puntahan nʼyo ang mga tauhan ko at sabihan silang dalhin dito ang mga baka at tupa. Dito nila katayin at kainin ang mga ito. Sabihin nʼyo rin sa kanila na huwag silang magkasala sa Panginoon dahil sa pagkain ng karneng may dugo pa.” Kaya nang gabing iyon, dinala ng mga tauhan ni Saul ang kanilang mga baka at tupa sa kanya at doon kinatay.

35. Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon. Ito ang unang altar na ginawa niya.

36. Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at tatalunin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buhay.” Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.” Pero sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Dios tungkol sa bagay na ito.”

37. Kaya nagtanong si Saul sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Pero hindi sumagot ang Dios nang araw na iyon.

38. Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito, kailangang malaman natin ang nagawa nating kasalanan sa araw na ito.

39. Isinusumpa ko sa ngalan ng buhay na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit na siya ay ang anak kong si Jonatan.” Pero wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.

40. Sinabi pa niya sa lahat ng mga Israelita, “Tumayo kayo riyan at tatayo rin kami ng anak kong si Jonatan.” Pumayag naman ang mga tao.

41. Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon, Dios ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao.

42. Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan naman tayo ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.”

1 Samuel 14