1. Isang araw, sinabi ni Jonatan sa binata na tagapagdala ng kanyang armas, “Halika, pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteo.” Pero hindi niya ito sinabi sa kanyang ama.
2. Si Saul naman noon ay nasa ilalim ng punong pomegranata sa Migron, na nasa labas ng Gibea, at kasama ang 600 niyang tauhan sa di-kalayuan.
3. Naroon din ang paring si Ahia na nakasuot ng espesyal na damit ng pari. Si Ahia ay anak ni Ahitub na kapatid ni Icabod. Si Ahitub ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli na pari na naglingkod noon sa Shilo. Walang nakakaalam na umalis si Jonatan.
4. May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene.
5. Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmash, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.
6. Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong iyon na hindi kumikilala sa Dios. Baka sakaling tulungan tayo ng Panginoon, dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.”
7. Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”
8. Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila.
9. Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila.