15. Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan – 600 lahat.
16. Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Geba, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmash.
17. Nagtatlong grupo ang mga Filisteo sa kanilang pagsalakay. Ang isang grupoʼy pumunta sa Ofra, sa lupain ng Shual.
18. Ang isang grupoʼy sa Bet Horon, at ang isaʼy pumunta sa hangganan kung saan matatanaw ang Lambak ng Zeboim na papunta sa disyerto.
19. Nang mga panahong iyon, walang panday sa buong Israel. Hindi sila pinayagan ng mga Filisteo dahil sinabi nila, “Baka gumawa ng mga espada at sibat ang mga Hebreo.”
20. Kaya kinakailangan pa ng mga Israelitang pumunta sa mga Filisteo kung maghahasa sila ng kanilang talim ng araro, piko, palakol at karit.
21. At mahal ang singil sa kanila. Ang bayad sa pagpapahasa ng araro at piko ay dalawang pirasong pilak at sa pagpapahasa ng palakol at talim ng pantaboy sa hayop ay isang pirasong pilak.
22. Kaya nang araw ng digmaan, wala ni isang sundalo sa Israel ang may espada at sibat maliban kina Saul at Jonatan.
23. Samantala, nagpadala ang mga Filisteo ng mga sundalo para bantayan ang daanan papuntang Micmash.