1. Si Saul ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya rito sa loob ng 42 taon.
2. Pumili si Saul ng 3,000 lalaki sa Israel para makipaglaban sa mga Filisteo. Ang mga hindi napili ay pinauwi niya. Isinama niya ang 2,000 sa Micmash at sa kaburulan ng Betel at ang 1,000 naman ay pinasama niya sa anak niyang si Jonatan sa Gibea na sakop ng mga taga-Benjamin.
3. Sinalakay ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Geba at nabalitaan ito ng iba pang Filisteo. Kaya iniutos ni Saul na patunugin ang trumpeta sa buong Israel bilang paghahanda ng mga Hebreo sa digmaan.
4. Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo. Kaya nagtipon ang mga Israelita sa Gilgal kasama ni Saul.
5. Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000 karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmash, sa silangan ng Bet Aven.