2. Ngayon, may hari na kayo bilang inyong pinuno. Matanda na ako, at maputi na ang buhok. At kasama naman ninyo ang mga anak ko. Naging pinuno nʼyo na ako mula pa noong kabataan ko.
3. Narito ako ngayon sa harapan ninyo. Kung may nagawa akong masama sa inyo sabihin ninyo sa akin sa presensya ng Panginoon at ng kanyang piniling hari. May kinuha ba akong baka o asno sa sinuman sa inyo? May dinaya o ginipit ba ako sa inyo? Tumanggap ba ako ng suhol para balewalain ang kasalanang nagawa nang sinuman? Kung mapapatunayan ninyo na nagawa ko ang isa man sa mga bagay na ito, pananagutan ko ito.”
4. Sumagot ang mga tao, “Hindi po ninyo kami dinaya o ginipit man. Wala rin po kayong kinuhang anuman sa kahit kanino sa amin.”
5. Sinabi ni Samuel sa kanila, “Sa araw na ito, saksi ang Panginoon at ang kanyang piniling hari na wala kayong maisusumbat sa akin.” Sumagot ang mga tao, “Opo, saksi ang Panginoon.”
6. Sinabi ni Samuel, “Ang Panginoon ang pumili kina Moises at Aaron na maging pinuno ng inyong mga ninuno, at siya rin ang naglabas sa kanila sa Egipto.
7. Ngayon tumayo kayo sa presensya ng Panginoon dahil ipapaalala ko sa inyo ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8. “Noong nasa Egipto pa ang lahi ni Jacob, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Ipinadala ng Panginoon sina Moises at Aaron na naglabas sa kanila sa Egipto at nagdala sa kanila sa lupaing ito.