1 Samuel 12:14-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Kung kayo at ang hari ninyo ay mamumuhay nang may takot sa Panginoon, susunod sa mga utos niya, at maglilingkod sa kanya, walang masamang mangyayari sa inyo.

15. Pero kung hindi kayo susunod sa Panginoon at sa mga utos niya, parurusahan niya kayo gaya ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.

16. “Manatili kayo sa kinaroroonan ninyo at tingnan ninyo ang kamangha-manghang bagay na gagawin ng Panginoon sa inyong harapan.

17. Hindi baʼt panahon ngayon ng pag-aani ng trigo at hindi umuulan? Pero mananalangin ako sa Panginoon na magpakulog at magpaulan, at nang mapag-isip-isip ninyo kung gaano kasama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon nang humingi kayo ng hari.”

18. Nanalangin nga si Samuel, at nang araw na iyon, nagpakulog at nagpaulan ang Panginoon. Pinagharian ang lahat ng tao ng matinding takot sa Panginoon at kay Samuel.

19. Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin nʼyo po kami sa Panginoon na iyong Dios upang hindi kami mamatay, dahil dinagdagan namin ang aming mga kasalanan nang humingi kami ng hari.”

20. Sumagot si Samuel, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon, kundi paglingkuran ninyo siya nang buong puso.

21. Huwag kayong susunod sa mga walang kwentang dios-diosan. Hindi sila makakatulong o makakapagligtas sa inyo.

22. Alang-alang sa kanyang pangalan, hindi kayo pababayaan ng Panginoon. Ikinalulugod niyang gawin kayong mga mamamayan niya.

23. “Tungkol naman sa akin, hindi ako titigil ng pananalangin sa Panginoon para sa inyo dahil kung magkaganoon, magkakasala ako sa Panginoon. Tuturuan ko rin kayong mamuhay nang tama at matuwid.

24. Pero dapat kayong magkaroon ng takot sa Panginoon at maglingkod sa kanya nang tapat at buong puso. Alalahanin ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa inyo.

25. Pero kung magpapatuloy kayo sa kasalanan, kayo at ang hari ninyo ay lilipulin.”

1 Samuel 12