5. Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya na hinihila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes.
6. Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagalit siya nang matindi.
7. Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasama kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumama sila sa kanya.
8. Tinipon sila ni Saul sa Bezek; 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 ang galing sa Juda.
9. Sinabi nila sa mga mensahero ng Jabes Gilead, “Sabihin ninyo sa mga kababayan ninyo, bukas ng tanghali, maliligtas kayo.” Nang sabihin ito ng mga mensahero sa mga kababayan nila, tuwang-tuwa ang lahat.
10. At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas susuko kami sa inyo at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”
11. Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
12. Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”