11. Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
12. Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”
13. Pero sinabi ni Saul, “Walang papatayin ni isa man sa araw na ito, dahil ngayon ay iniligtas ng Panginoon ang Israel.”
14. Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Pupunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari natin.”
15. Kaya pumunta silang lahat sa Gilgal at pinagtibay ang pagiging hari ni Saul sa presensya ng Panginoon. Nag-alay sila roon ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagkaroon sila ng malaking pagdiriwang.