8. “Mauna ka na sa akin sa Gilgal. Susunod ako para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. Pero hintayin mo ako sa loob ng pitong araw hanggang sa dumating ako, at pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
9. Nang maghiwalay sila ni Samuel, binago ng Dios ang buhay ni Saul, at ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel ay nangyari nang araw na iyon.
10. Pagdating ni Saul at ng kanyang utusan sa Gibea, sinalubong siya ng mga propeta. Napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios kasama ng mga propetang iyon.
11. Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya na nagpapahayag ng mensahe ng Dios kasama ng mga propeta, tinanong nila ang isaʼt isa, “Propeta na rin ba si Saul? Paano naging propeta ang anak ni Kish?”
12. Sumagot ang isang taga-roon, “Hindi na mahalaga kung sino ang kanyang ama; kahit sino ay pwedeng maging propeta.” Dito nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
13. Pagkatapos magpahayag ng mensahe ng Dios, pumunta si Saul sa sambahan sa mataas na lugar.
14. Nagtanong ang tiyuhin ni Saul sa kanya at sa kanyang utusan, “Saan kayo nanggaling?” Sumagot si Saul, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi po namin makita ay pumunta kami kay Samuel.”
15. Sinabi ng tiyuhin ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa iyo.”
16. Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na ang mga asno.” Pero hindi niya sinabi sa tiyuhin niya ang sinabi ni Samuel tungkol sa kanyang pagiging hari.
17. Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon.
18. Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo.
19. Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”
20. Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili.