1 Juan 3:5-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Alam ninyong si Cristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan.

6. Ang sinumang nananatili kay Cristo ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Ang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakita o nakakilala sa kanya.

7. Mga anak, huwag kayong padadaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Cristo na matuwid.

8. Ngunit ang nagpapatuloy sa kasalanan ay kampon ng diyablo, dahil ang diyablo ay gumagawa na ng kasalanan mula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit naparito ang Anak ng Dios, upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

9. Ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan dahil ang katangian ng Dios ay nasa kanya na. At dahil nga ang Dios ay kanyang Ama, hindi na siya nagpapatuloy sa kasalanan.

10. At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.

11. Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan.

12. Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13. Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo.

14. Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan.

15. Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan.

16. Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid.

1 Juan 3