1 Juan 2:11-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan dahil binulag siya ng kadilimang ito.

12. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil pinatawad na ng Dios ang mga kasalanan ninyo dahil kay Cristo.

13. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil nalupig na ninyo si Satanas.

14. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, dahil nakilala nʼyo na ang Ama.Sumusulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala nʼyo na siya na mula pa sa simula ay nariyan na.Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, dahil matatag ang inyong pananampalataya. Sinusunod ninyo ang salita ng Dios, at nalupig na ninyo si Satanas.

15. Huwag ninyong ibigin ang mundo o ang mga makamundong bagay. Ang umiibig sa mga ito ay hindi umiibig sa Ama.

16. Sapagkat ang lahat ng kamunduhan – ang masasamang hilig ng laman, ang pagnanasa sa mga nakikita ng mata, at ang anumang pagmamayabang sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa mundo.

17. Ang mundo at lahat ng bagay dito na hinahangad ng tao ay mawawala, ngunit ang taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay mabubuhay magpakailanman.

18. Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw.

19. Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.

20. Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan.

21. Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan.

22. At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak.

23. Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.

1 Juan 2