7. paaalisin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang templong ito na hinirang kong lugar kung saan pararangalan ang aking pangalan. Pagkatapos, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel.
8. At kahit maganda at tanyag ang templong ito, sisirain ko ito. Magugulat at mamamangha ang lahat ng dumaraan dito at painsultong sasabihin, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at templong ito?’
9. Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanilang mga ninuno sa Egipto at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kapahamakan.’ ”
10. Matapos na maipatayo ni Solomon ang dalawang gusali – ang templo ng Panginoon at ang palasyo sa loob ng 20 taon,
11. ibinigay niya ang 20 bayan sa Galilea kay Haring Hiram ng Tyre. Ginawa niya ito dahil tinustusan siya ni Hiram ng lahat ng kahoy na sedro at sipres at ng ginto na kanyang kailangan.
12. Pero nang pumunta si Hiram sa Galilea mula sa Tyre para tingnan ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Solomon, hindi siya nasiyahan dito.
13. Sinabi niya kay Solomon “Aking kapatid, anong klaseng mga bayan itong ibinigay mo sa akin?” Tinawag ni Hiram ang lupaing iyon na Cabul, at ganito pa rin ang tawag dito hanggang ngayon.
14. Nagpadala roon si Hiram kay Solomon ng limang toneladang ginto.
15. Ito ang ulat tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho ni Haring Solomon sa mga tao para maipatayo ang templo ng Panginoon at ang kanyang palasyo, sa pagpapatibay ng lupain sa bandang silangan ng lungsod, sa pagpapatibay ng pader ng Jerusalem, at sa pagpapatayong muli ng mga lungsod ng Hazor, Megido at Gezer.