1 Hari 8:17-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

3-4. Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa templo.

17. “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

18. Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.

19. Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

20. “Tinupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel.

21. Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon, kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa ating mga ninuno nang inilabas niya sila sa Egipto.”

22. Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay,

23. at nanalangin, “Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ninyo ang inyong pag-ibig sa mga lingkod ninyong buong pusong sumusunod sa inyo.

24. Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako, at kayo rin ang tumupad sa araw na ito.

25. At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo rin po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama nang sinabi nʼyo sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’

26. Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.

27. “Pero makakapanahan po ba talaga kayo, O Dios, dito sa mundo? Ni hindi nga po kayo magkasya kahit sa pinakamataas na langit, dito pa kaya sa templo na ipinatayo ko?

28. Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya ngayon.

29. Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong dito pararangalan ang pangalan nʼyo. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin na nakaharap sa lugar na ito.

30. Pakinggan nʼyo po ang kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.

1 Hari 8