1 Hari 7:7-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Nagpatayo rin siya ng gusali kung saan inilagay niya ang kanyang trono. Ito rin ang lugar kung saan siya humahatol. Pinatakpan niya ito ng mga tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame.

8. Ang bahagi ng palasyo, kung saan nakatira si Solomon ay nasa likod lang ng gusali kung saan siya humahatol, at magkatulad ang pagkakagawa nito. Katulad din nito ang yari ng bahay na kanyang ipinagawa para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon.

9. Lahat ng mga gusaling ito, mula sa mga pundasyon hanggang sa mga bubong ay gawa sa pinakamagandang uri ng bato na pinagputol-putol at tinabas ang lahat ng gilid ayon sa tamang sukat.

10. Ang mga pundasyon ay gawa sa malalaki at magagandang uri ng bato. Ang haba ng ibang mga bato ay 15 talampakan at ang iba ay 12 talampakan.

11. Sa ibabaw nito ay mga kahoy na sedro at mamahaling mga bato na tinabas ayon sa tamang sukat.

12. Ang maluwang na bakuran ay napapaligiran ng pader, na ang bawat tatlong patong ng mga tinabas na bato ay pinatungan ng kahoy na sedro. Katulad din nito ang pagkakagawa ng mga pader ng bakuran sa loob ng templo ng Panginoon at ng balkonahe.

13. Ipinasundo ni Haring Solomon si Huram sa Tyre

14. dahil magaling siyang panday ng mga tanso. Anak siya ng isang biyuda mula sa lahi ni Naftali at ang kanyang ama ay taga-Tyre, na isa ring panday ng mga tanso. Pumunta siya kay Haring Solomon at ginawa niya ang lahat ng ipinagawa sa kanya.

15. Gumawa si Huram ng dalawang haliging tanso na ang bawat isa ay may taas na 27 talampakan at may pabilog na sukat na 18 talampakan.

16. Gumawa rin siya ng dalawang ulo ng mga haliging gawa sa tanso, na ang bawat isa ay may taas na pitoʼt kalahating talampakan.

17. Ang bawat ulo ng haligi ay napapalamutian ng pitong kadenang dugtong-dugtong

18. na may dalawang hilerang palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata.

19. Ang hugis ng ulo ng mga haligi sa balkonahe ay parang mga bulaklak na liryo, at ang taas nito ay anim na talampakan.

20. Ang bawat ulo ng dalawang haligi ay napapaligiran ng dalawang hilera na may 200 na palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. Ang palamuting ito ay nasa ibabaw ng bilog na bahagi ng ulo, sa tabi ng mga kadena.

21. Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.

22. Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.

23. Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan.

24. Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan.

1 Hari 7