1 Hari 7:20-37 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Ang bawat ulo ng dalawang haligi ay napapaligiran ng dalawang hilera na may 200 na palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. Ang palamuting ito ay nasa ibabaw ng bilog na bahagi ng ulo, sa tabi ng mga kadena.

21. Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.

22. Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.

23. Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan.

24. Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan.

25. Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan.

26. Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng mga 11,000 galong tubig.

27. Gumawa rin si Huram ng sampung tansong kariton na gagamitin sa paghakot ng tubig. Ang haba ng bawat isa ay anim na talampakan, ang luwang ay anim ding talampakan at ang taas ay apat at kalahating talampakan.

28. Ganito ang pagkagawa ng mga kariton: Ang mga dingding nito ay may mga kwadro

29. at napapalamutian ng mga larawan ng leon, mga baka at mga kerubin. Ang ibabaw at ang ilalim ng mga kwadro ay may magkakatulad na palamuti na parang mga bulaklak.

30-31. Ang bawat kariton ay may apat na tansong gulong at mga tansong ehe. Sa bawat sulok ng mga kariton ay may tukod na humahawak sa pabilog na patungan ng tansong planggana. Ang mga tukod ay napapalamutian ng parang mga bulaklak na kabit-kabit. Ang pabilog na patungan ay nakaangat ng isaʼt kalahating talampakan sa ibabaw ng kariton, at ang luwang ng bunganga ay dalawang talampakan at tatlong pulgada. Ang paligid ng ilalim ay may mga inukit na palamuti. Ang dingding ng kariton ay kwadrado, hindi pabilog.

32. Sa ilalim ng mga kwadradong dingding ay may apat na gulong na nakakabit sa mga ehe, na kasama ng ginawa nang gawin ang kariton. Ang taas ng bawat gulong ay dalawang talampakan at tatlong pulgada

33. at katulad ito ng gulong ng karwahe. Ang mga ehe, tubo, rayos at tapalodo ng gulong ay gawa lahat sa tanso.

34. Ang bawat kariton ay may apat na hawakan – isa sa bawat gilid, at naiporma na ito kasama ng kariton.

35. Sa ibabaw ng bawat kariton ay may pabilog na leeg na may siyam na pulgada ang taas. Ang mga tukod nito at ang dingding ay naiporma na din kasama ng kariton.

36. Napapalamutian ang dingding at mga tukod ng mga larawan ng kerubin, leon at puno ng palma, kahit saan na may lugar para sa mga ito. At may palamuti rin ito na parang mga bulaklak na kabit-kabit sa paligid.

37. Ganito ang pagkakagawa ni Huram ng sampung kariton. Magkakatulad lahat ang kanilang laki at hugis, sapagkat iisa lang ang pinaghulmahan nilang lahat.

1 Hari 7