15. Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres.
16. Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan.
17. Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan.
18. Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.
19. Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon.
20. Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro.
21. Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar.
22. Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.
23. Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas.
24-26. Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan.
27. Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding.
28. Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.
29. Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad.
30. Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.
31. Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito.