1 Hari 6:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto.

2. Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas.

3. Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo.

4. Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.

5. Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo.

6. Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.

7. Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.

8. Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag.

9. Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro.

10. At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.

1 Hari 6