1 Hari 3:22-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.

23. Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.”

24. Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada,

25. inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”

26. Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”

27. Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”

28. Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.

1 Hari 3