39. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahab, at ang lahat ng ginawa niya, pati ang pagpapatayo niya ng magandang palasyo, at pagpapatibay ng mga lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
40. Nang mamatay si Ahab, ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
41. Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel.
42. Si Jehoshafat ay 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi.
43. Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Pero hindi niya winasak ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng mga insenso roon.
44. May magandang relasyon din si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoshafat, at ang mga pagtatagumpay sa labanan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
46. Pinalayas niya ang mga lalaking nagbebenta ng aliw sa mga sambahan sa matataas na lugar, na hindi umalis noong panahon ng ama niyang si Asa.
47. Nang panahong iyon ay walang hari sa Edom; pinamamahalaan lang ito ng isang pinuno na pinili ni Jehoshafat.
48. May ipinagawa si Jehoshafat na mga barko na pangkalakal na naglalayag sa Ofir para kumuha ng ginto. Pero hindi nakapaglayag ang mga ito dahil nasira pagdating sa Ezion Geber.
49. Nang panahong iyon, sinabi ni Ahazia na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Pasamahin mo ang aking mga tauhan sa iyong mga tauhan sa kanilang paglalayag.” Pero hindi pumayag si Jehoshafat.
50. Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. Ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari.
51. Naging hari ng Israel si Ahazia na anak ni Ahab noong ika-17 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Ahazia, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.
52. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, dahil sumunod siya sa kanyang amaʼt ina, at kay Jeroboam na anak ni Nebat, na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
53. Sumamba siya at naglingkod kay Baal. Katulad ng ginawa ng kanyang ama, ginalit din niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel.