18. Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
19. Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at may mga makalangit na nilalang na nakatayo sa kanyang kaliwa at kanan.
20. At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang.
21. At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’
22. Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa papaanong paraan?’ Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
23. At sinabi ni Micaya, “At ngayon pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasabi sa kanila ng kasinungalingan. Itinakda ng Panginoon na matalo ka.”
24. Lumapit si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?”
25. Sumagot si Micaya, “Malalaman nʼyo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtago sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
26. Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak.
27. At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito. Tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang sa makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
28. Sinabi ni Micaya, “Kung makakabalik kayo nang ligtas, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
29. Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Ahab na hari ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda.
30. Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw magsuot ka ng iyong damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
31. Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa 32 kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.”
32. Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero nang sumigaw si Jehoshafat,
33. nalaman ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel kaya huminto sila sa paghabol sa kanya.