7. Sinabi ni Jezebel, “Hindi baʼt ikaw ang hari ng Israel? Bumangon ka at kumain! Magpakasaya ka dahil ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel.”
8. Kaya sumulat si Jezebel sa pangalan ni Ahab, tinatakan niya ito ng tatak ng hari, at ipinadala sa mga tagapamahala at sa iba pang mga opisyal ng lungsod kung saan nakatira si Nabot.
9. Ito ang mensahe ng kanyang sulat: “Tipunin ninyo ang mga mamamayan para mag-ayuno, at paupuin ninyo si Nabot sa unahan ng mga tao.
10. Pagkatapos, paupuin ninyo sa harapan niya ang dalawang masamang tao para paratangan siya na isinumpa niya ang Dios at ang hari. Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”
11. Ginawa ng mga tagapamahala at ng iba pang mga opisyal ang sinabi sa kanila ni Jezebel sa sulat.
12. Tinipon nga nila ang mga mamamayan para mag-ayuno at pinaupo nila si Nabot sa unahan ng mga ito.
13. Pagkatapos, may dumating na dalawang masamang tao, umupo sa harapan ni Nabot, at pinaratangan nila ito sa harapan ng mga tao. Sinabi nila, “Isinumpa ni Nabot ang Dios at ang hari.” Kaya dinala nila si Nabot sa labas ng lungsod, at binato hanggang mamatay.
14. Pagkatapos, sumulat sila kay Jezebel na binato nila si Nabot at patay na ito.
15. Nang malaman ni Jezebel na patay na si Nabot, sinabi niya kay Ahab, “Patay na si Nabot kaya lumakad ka at angkinin mo ang taniman niya ng ubas na itinanggi niyang ibenta sa iyo.”
16. Pagkarinig ni Ahab na patay na si Nabot, umalis siya agad para angkinin ang ubasan ni Nabot.
17. Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe,
18. “Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin.
19. Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”
20. Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon!