1 Hari 21:20-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon!

21. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi.

22. Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’

23. “At tungkol naman kay Jezebel, sinabi ng Panginoon, na kakainin siya ng mga aso sa pader ng Jezreel.

24. Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”

25. (Wala ng ibang taong ipinagbili ang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Ahab dahil sinulsulan siya ni Jezebel na kanyang asawa.

26. Gumawa siya ng masasamang bagay sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan, katulad ng ginawa ng mga Amoreo na pinalayas ng Panginoon sa mga Israelita.)

1 Hari 21