5. Muling bumalik ang mga mensahero kay Ahab at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Ben Hadad: ‘Sinabi ko na sa iyo na ibigay mo sa akin ang iyong mga pilak, ginto, mga asawaʼt anak.
6. Pero bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko riyan ang mga opisyal ko para maghalughog sa palasyo mo at sa mga bahay ng iyong mga opisyal. Kukunin nila ang lahat ng itinuturing mong mahalaga.’ ”
7. Ipinatawag ng hari ng Israel ang lahat ng tagapamahala ng Israel, at sinabi, “Naghahanap talaga ng paraan si Ben Hadad na wasakin tayo. Pumayag na nga ako nang hilingin niya ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak at ginto.”
8. Sumagot ang mga tagapamahala at ang mga tao, “Huwag po kayong papayag sa mga hinihiling niya.”
9. Kaya sinabihan niya ang mga mensahero ni Ben Hadad, “Sabihin ninyo sa mahal na hari na ibibigay ko ang kanyang unang kahilingan, pero ang ikalawa ay hindi ko na maibibigay.” Nagsiuwi ang mga mensahero at sinabi kay Ben Hadad ang sagot ni Ahab.
10. Nagpadala muli si Ben Hadad ng mensahe kay Ahab, “Lubos sana akong parusahan ng mga dios, kung hindi ko mawasak nang lubos ang Samaria. Titiyakin kong kahit alikabok ay walang maiiwan na madadakot ang mga sundalo ko.”
11. Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihan nʼyo siya na ang sundalong naghahanda pa lang sa pakikipaglaban ay hindi dapat magmayabang tulad ng sundalong tapos nang makipaglaban.”
12. Natanggap ni Ben Hadad ang sagot ni Ahab habang umiinom siya at ang mga kasama niyang hari roon sa kanilang mga tolda. Agad niyang inutusan ang mga tauhan niya na maghanda sa paglusob sa Samaria. At sinunod nila ito.
13. Samantala, may dumating na isang propeta kay Ahab, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Nakita mo ang napakaraming sundalo ni Ben Hadad. Pero ipapatalo ko sila sa iyo sa araw na ito, at malalaman mo na ako ang Panginoon.”
14. Nagtanong si Ahab, “Pero sino ang tatalo sa kanila?” Sumagot ang propeta, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga binatang sundalo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya ang siyang tatalo sa kanila.” Nagtanong si Ahab, “Sino ang unang lulusob?” Sumagot ang propeta, “Kayo.”
15. Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga binatang sundalo, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya – 232 silang lahat. At tinipon din niya ang iba pang mga Israelita – 7,000 silang lahat.
16. Tanghali nang lumusob sila, habang si Ben Hadad at ang 32 haring kakampi niya ay naglalasing sa mga tolda nila.
17. Ang unang lumusob ay ang mga binatang sundalo.Ngayon, ang mga espiyang ipinadala ni Ben Hadad sa Samaria ay nagsabi sa kanya, “May mga sundalo pong papunta rito mula sa Samaria.”
18. Sinabi ni Ben Hadad, “Hulihin nʼyo sila! Kahit anong pakay nila rito, makipaglaban man o makipag-ayos.”
19. Ang mga binatang sundalo ang nangunguna sa mga sundalo ng Israel.
20. Ang bawat isaʼy pinatay ang kanyang kalaban. Kaya tumakas ang ibang mga sundalo ng Aram, at hinabol sila ng mga Israelita. Pero si Ben Hadad at ang iba pa niyang mga kasama ay tumakas na nakasakay sa kabayo.
21. Ganoon ang paglusob nina Haring Ahab ng Israel. Marami silang pinatay na Arameo at pinagkukuha nila ang mga kabayo at mga karwahe ng mga ito.
22. Pagkatapos nito, lumapit ang propeta sa hari ng Israel, at sinabi, “Maghanda kayo at magplano nang mabuti, dahil lulusob pong muli ang hari ng Aram sa susunod na taon.”