26. Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben Hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa lungsod ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita.
27. Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas para makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila na paharap sa kampo ng mga Arameo. Pero katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan.
28. Pumunta ang lingkod ng Dios sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na dios ako ng mga bundok at hindi dios ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo para malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”
29. Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila nang ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng 100,000 sundalong Arameo.
30. Ang mga natirang Arameo ay nagsitakas sa lungsod ng Afek, kung saan ang 27,000 sa kanila ay nabagsakan ng pader ng lungsod. Tumakas din doon si Ben Hadad at nagtago sa kasuluk-sulukang kwarto ng bahay.
31. Sinabi sa kanya ng kanyang mga opisyal, “Narinig po namin na maawain daw ang mga hari ng Israel. Kaya pupunta kami sa hari ng Israel, magsusuot ng sako at magtatali ng lubid sa aming mga ulo. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”
32. Kaya nagsuot sila ng sako at tinalian nila ng lubid ang kanilang ulo. Pagkatapos, pumunta sila sa hari ng Israel, at sinabi, “Ang inyo pong lingkod na si Ben Hadad ay humihiling na kung maaari, huwag nʼyo siyang patayin.” Sumagot ang hari, “Buhay pa pala siya? Para ko na siyang kapatid.”
33. Itinuring ng mga opisyal ang sagot ng hari na isang palatandaan na may pag-asa sila, kaya agad naman nilang sinabi na, “Opo, si Ben Hadad ay para na ninyong kapatid.” Sinabi ng hari, “Dalhin ninyo siya sa akin.”Pagdating ni Ben Hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe.
34. Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Isasauli ko sa iyo ang mga lungsod na inagaw ng aking ama sa iyong ama. At maaari kang magpatayo ng mga tindahan sa Damascus, katulad ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” Tugon ni Ahab, “Sa alok mong ito, pakakawalan kita.” Kaya gumawa sila ng kasunduan, at pinaalis siya ni Ahab.
35. Samantala, may isang taong kabilang sa samahan ng mga propeta ang inutusan ng Panginoon para sabihin ito sa kasama niya, “Sige saktan mo ako.” Pero tumanggi ang kasama niya na saktan siya.
36. Kaya sinabi niya sa kanyang kasama, “Dahil hindi mo sinunod ang Panginoon, papatayin ka ng leon pag-alis mo rito.” Pag-alis nga ng kasama niya, nakita siya ng isang leon at pinatay.
37. May nakita namang isang tao ang propeta at sinabi niya, “Saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya nito at nasugatan siya.
38. Pagkatapos, lumakad ang propeta at tumayo sa daan para hintayin na dumaan ang hari ng Israel. Nagbalat-kayo siya sa pamamagitan ng paglalagay ng piring sa mata para hindi makilala.
39. Pagdaan ng hari, sumigaw ang propeta sa kanya, “Mahal na hari, sumama po ako sa labanan, at doon ay may taong nagdala sa akin ng bihag at sinabi, ‘Bantayan mo ang taong ito. Kapag nakatakas siya, papatayin ka o pagbabayarin ng 35 kilong pilak.’
40. Pero naging abala po ako sa ibang mga gawain kaya nakatakas ang bihag.”Sinabi ng hari, “Dapat ka ngang parusahan ayon sa sinabi mo.”
41. Tinanggal ng propeta ang piring sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na isa siyang propeta.
42. Sinabi niya sa hari, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Dahil sa pinakawalan mo ang taong sinasabi ko na dapat patayin, ikaw ang papatayin bilang kapalit niya at papatayin din ang iyong mga tauhan bilang kapalit ng kanyang mga tauhan.”
43. Umuwing malungkot at galit ang hari ng Israel sa palasyo niya sa Samaria.