7. “Ngunit maging mabuti ka sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead at pakainin silang kasama mo, dahil tinulungan nila ako nang tumakas ako sa kapatid mong si Absalom.
8. “Tandaan mo si Shimei na anak ni Gera, na taga-Bahurim at mula sa lahi ni Benjamin. Isinumpa niya ako ng matindi nang pumunta ako sa Mahanaim. Pero nang magkita kami sa Ilog ng Jordan, nakipagkasundo ako sa kanya sa pangalan ng Panginoon na hindi ko siya papatayin.
9. Pero ngayon, ikaw ang hahatol sa kanya. Matalino ka, at alam mo kung ano ang dapat gawin. Kahit matanda na siya, ipapatay mo siya.”
10. Pagkatapos, namatay si David at inilibing sa kanyang lungsod.
11. Naghari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon – pitong taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem.
12. Si Solomon ang pumalit sa ama niyang si David bilang hari, at tunay na matatag ang kaharian niya.
13. Ngayon, si Adonia na anak ni Hagit ay pumunta kay Batsheba na ina ni Solomon. Nagtanong si Batsheba sa kanya, “Mabuti ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Adonia, “Mabuti po.
14. May hihilingin lang ako sa inyo.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba ang hihilingin mo?”
15. Sumagot si Adonia, “Nalalaman ninyo na ako na sana ang naging hari, at hinihintay ito ng buong Israel. Pero iba ang nangyari; ang kapatid ko ang siyang naging hari, dahil iyan ang gusto ng Panginoon.
16. Ngayon, may hihilingin ako sa inyo. At kung maaari, huwag nʼyo akong biguin.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba iyon?”
17. Sumagot si Adonia, “Kung maaari ay hilingin nʼyo kay Haring Solomon na mapangasawa ko si Abishag na taga-Shunem. Alam kong hindi siya tatanggi sa inyo.”
18. Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.”