27. Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli.
28. Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.
29. Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab.
30. Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab.
31-32. Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya sa kanila.
33. Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.”
34. Kaya pinuntahan ni Benaya si Joab at pinatay. Inilibing siya malapit sa bahay niya sa ilang.
35. Pagkatapos, ipinalit ng hari si Benaya kay Joab bilang kumander ng mga sundalo at ang ipinalit niya kay Abiatar ay ang paring si Zadok.
36. Ipinatawag ng hari si Shimei at sinabi sa kanya, “Magpatayo ka ng sarili mong bahay sa Jerusalem at doon ka tumira. Huwag kang umalis sa lungsod at pumunta sa ibang lugar.
37. Sa oras na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron, tiyak na mamamatay ka. At kapag nangyari ito, ikaw na ang may pananagutan nito.”
38. Sumagot si Shimei, “Mabuti po ang sinabi nʼyo, susundin ko ito!” Kaya tumira si Shimei sa Jerusalem nang matagal na panahon.
39. Pero pagkalipas ng tatlong taon, lumayas ang dalawa sa mga alipin ni Shimei, at pumunta sa hari ng Gat na si Akish, na anak ni Maaca. Nang mabalitaan ito ni Shimei,
40. nilagyan niya agad ng upuan ang kanyang asno at sumakay, pumunta siya kay Akish sa Gat para hanapin ang dalawang alipin niya. Nakita niya sila at isinama pauwi.
41. Nang mabalitaan ni Solomon na umalis si Shimei sa Jerusalem at pumunta sa Gat at nakabalik na,
42. ipinatawag niya ito at sinabihan, “Hindi baʼt pinasumpa kita sa pangalan ng Panginoon at binalaan na sa oras na umalis ka sa Jerusalem at pumunta sa ibang lugar ay tiyak na mamamatay ka? At hindi ba sinabi mo na mabuti ang sinabi ko at susundin mo ito?
43. Ngayon, bakit hindi mo sinunod ang ipinangako mo sa Panginoon? Bakit hindi mo tinupad ang mga iniutos ko sa iyo?”
44. Sinabi pa ng hari sa kanya, “Tiyak na naaalala mo ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, gagantihan ka ng Panginoon sa masamang ginawa mo.
45. Pero pagpapalain ako ng Panginoon, at ang kaharian ng aking ama na si David ay magpapatuloy sa kanyang mga angkan magpakailanman.”