25. Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito.
26. Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong Dios noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.”
27. Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli.
28. Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.
29. Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab.
30. Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab.
31-32. Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya sa kanila.
33. Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.”