1 Hari 2:18-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.”

19. Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para sabihin sa kanya ang tungkol sa kahilingan ni Adonia. Pagkakita ni Solomon sa kanya, tumayo si Solomon mula sa kanyang trono para salubungin siya, at agad siyang yumukod sa kanyang ina bilang paggalang. Pagkatapos, muli siyang naupo sa kanyang trono. Nagpakuha siya ng upuan at ipinalagay sa kanan niya at doon pinaupo ang kanyang ina.

20. Sinabi ni Batsheba, “Mayroon akong maliit na kahilingan sa iyo. Huwag mo sana akong tatanggihan.” Sumagot ang hari, “Ano po ang hihilingin ninyo? Hindi ko kayo bibiguin.”

21. Sinabi ni Batsheba, “Hayaan mong mapangasawa ng iyong kapatid na si Adonia si Abishag na taga-Shunem.”

22. Nagtanong si Haring Solomon, “Bakit hinihiling ninyo na mapangasawa ni Adonia si Abishag? Baka hilingin nʼyo rin na ibigay ko sa kanya ang kaharian ko dahil mas matanda siya sa akin at kakampi niya ang paring si Abiatar at si Joab na anak ni Zeruya!”

23. Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa pangalan ng Panginoon, “Parusahan sana ako ng Dios kung hindi ko mapatay si Adonia dahil sa kahilingan niya.

24. Ang Panginoon ang siyang nagluklok sa akin sa trono ng aking amang si David. Tinupad niya ang kanyang pangako na ibibigay niya ang kaharian sa akin at sa aking mga angkan. Kaya sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na mamamatay si Adonia sa araw na ito!”

25. Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito.

26. Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong Dios noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.”

1 Hari 2