1 Hari 19:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal.

2. Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”

3. Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya.

4. Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.”

5. Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.”

6. Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli.

7. Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.”

8. Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb, ang bundok ng Dios.

9. Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?”

10. Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.”

11. Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol.

1 Hari 19