1 Hari 18:6-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Kaya naghati sila ng lugar kung saan sila pupunta. Agad silang pumunta sa kani-kanilang direksyon.

7. Habang naglalakad si Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya si Elias, kaya yumukod siya bilang paggalang, at sinabi, “Kayo po ba iyan, Ginoong Elias?”

8. Sumagot si Elias, “Oo. Ngayon, humayo ka at sabihin mo sa iyong amo na si Ahab na nandito ako.”

9. Pero sinabi ni Obadias, “Huwag po ninyong ilagay sa panganib ang buhay ko kay Ahab, dahil wala naman akong nagawang kasalanan sa inyo.

10. Nagsasabi po ako ng totoo sa presensya ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na walang bansa o kaharian na hindi padadalhan ng aking amo ng tao para hanapin kayo. Kapag sinasabi ng mga pinuno ng mga bansa at mga kaharian na wala kayo sa lugar nila, pinasusumpa pa sila ni Ahab na hindi talaga nila kayo nakita.

11. At ngayon, inuutusan nʼyo po ako na pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo?

12. Paano kung sa sandaling pag-alis ko ay dalhin kayo ng Espiritu ng Panginoon sa lugar na hindi ko alam? Kapag dumating si Ahab dito na wala kayo, papatayin niya ako. Pero, Ginoong Elias, mula pa sa pagkabata ko ay naglilingkod na ako sa Panginoon.

1 Hari 18