27. Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga, o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.”
28. Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo.
29. Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog, pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30. Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba.
31. Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel.
32. Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil.
33. Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito,
34. sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias,
35. at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36. Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo.
37. Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”
38. Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal.
39. Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!”
40. Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay.
41. Sinabi ni Elias kay Ahab, “Humayo ka, kumain at uminom, dahil paparating na ang malakas na ulan.”
42. Kaya humayo si Ahab para kumain at uminom, pero si Elias ay umakyat sa bundok ng Carmel at nanalangin, na nakaluhod at nakayuko sa lupa.
43. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tumingin sa dagat.” At sinunod ito ng utusan. Pagbalik niya kay Elias, sinabi niya, “Wala po akong nakikita.” Pitong beses na sinabi ni Elias na bumalik siya at tumingin.
44. Nang ikapitong pagbalik niya, sinabi niya kay Elias, “May nakita po akong ulap na maitim na kasinlaki ng palad ng tao, na pumapaibabaw mula sa laot.” Kaya sinabi ni Elias, “Humayo ka at sabihin kay Ahab na sumakay siya sa kanyang karwahe at umuwi bago pa siya maabutan ng ulan.”