17. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18. Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal.
19. Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20. Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel.
21. Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22. Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta.
23. Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan.
24. Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Dios.” At sumang-ayon ang mga tao.
25. Sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Kayo ang mauna dahil marami kayo. Mamili kayo ng isang toro at ihanda ninyo. Manalangin na kayo sa inyong dios, pero huwag ninyong sisindihan ang gatong.”
26. Kaya kinuha ng mga propeta ni Baal ang toro na dinala sa kanila, at inihanda ito. Pagkatapos, nanalangin sila kay Baal mula umaga hanggang tanghali. Sumigaw sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Sumayaw-sayaw pa sila sa paligid ng altar na ginawa nila. Pero walang sumagot.
27. Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga, o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.”
28. Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo.
29. Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog, pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30. Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba.
31. Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel.