1 Hari 18:15-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoong Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.”

16. Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias.

17. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?”

18. Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal.

19. Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”

20. Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel.

21. Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.

22. Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta.

23. Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan.

1 Hari 18