13. Hindi nʼyo ba nabalitaan ang ginawa ko noong pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Itinago ko ang 100 propeta ng Panginoon sa dalawang kweba, 50 sa bawat kweba, at binibigyan ko sila ng pagkain at tubig doon.
14. At ngayon inuutusan ninyo akong pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Papatayin po niya ako!”
15. Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoong Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.”
16. Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias.
17. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18. Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal.
19. Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20. Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel.
21. Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22. Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta.