1 Hari 17:17-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng babae. Lumala ang sakit nito hanggang sa mamatay.

18. Sinabi ng babae kay Elias, “Ano po ang ikinagalit ninyo sa akin, lingkod ng Dios? Pumunta po ba kayo rito para patayin ang aking anak bilang parusa sa aking mga kasalanan?”

19. Sumagot si Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata sa kanyang ina, at dinala ito sa kwarto sa itaas, kung saan siya nakatira. Inihiga niya ang bata sa kanyang higaan,

20. at nanalangin siya sa Panginoon, “O Panginoon, na aking Dios, pinadalhan po ba ninyo ng pagdurusa ang biyudang ito na nagpatuloy sa akin sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang anak?”

21. Dumapa si Elias ng tatlong beses sa bata at tumawag sa Panginoon, “O Panginoon na aking Dios, buhayin po ninyo ang batang ito!”

22. Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.

23. Pagkatapos, dinala ni Elias ang bata sa ibaba at ibinigay sa kanyang ina. Sinabi ni Elias, “Tingnan mo ang iyong anak, buhay siya!”

24. Agad na sinabi ng babae kay Elias, “Ngayon, napatunayan kong lingkod nga kayo ng Dios at totoong nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan ninyo.”

1 Hari 17