28. Nang mamatay si Omri, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari.
29. Naging hari ng Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng 22 taon.
30. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, higit pa sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya.
31. Kulang pa sa kanya ang pagsunod sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang maging asawa si Jezebel na anak ni Haring Etbaal ng mga Sidoneo. At mula noon, naglingkod siya at sumamba sa dios-diosang si Baal.
32. Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal doon sa Samaria.
33. Nagpagawa rin siya ng posteng simbolo ng diyosang si Ashera. Ginalit niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, higit pa sa ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.