1 Hari 16:2-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. “Pinabangon kita mula sa lupa, at ginawang pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Pero sinunod mo ang pamumuhay ni Jeroboam at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng aking mga mamamayan, at ginalit mo ako dahil sa kanilang mga kasalanan.

3. Kaya lilipulin kita at ang iyong pamilya katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat.

4. Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”

5. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Baasha, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

6. Nang mamatay si Baasha, inilibing siya sa Tirza. At ang anak niyang si Elah ang pumalit sa kanya bilang hari.

7. Ang mensaheng iyon ng Panginoon laban kay Baasha at sa pamilya niya ay sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng Panginoon dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng Panginoon. Ginalit niya ang Panginoon dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam.

8. Naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasha noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.

9. Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon.

10. Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari.

11. Nang magsimulang maghari si Zimri, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasha. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasha.

12. Pinatay ni Zimri ang buong pamilya ni Baasha ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu.

13. Sapagkat ginalit ni Baasha at ng anak niyang si Elah ang Panginoon, ang Dios ng Israel, dahil sa mga kasalanang ginawa nila na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa walang kwentang mga dios-diosan.

14. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Elah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

15. Naging hari ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Doon siya tumira sa Tirza, pero pitong araw lang ang itinagal ng paghahari niya. Habang nagkakampo ang mga sundalo ng Israel malapit sa Gibeton na isang bayan ng mga Filisteo,

16. nabalitaan nila na pinatay ni Zimri ang hari. Kaya nang araw ding iyon sa kampo, ginawa nilang hari ng Israel si Omri. Si Omri ang kumander ng mga sundalo ng Israel.

17. Umalis agad sa Gibeton si Omri at ang mga lahat ng kasama niyang mga Israelita, at sinalakay nila ang Tirza.

18. Nang makita ni Zimri na naaagaw na ang lungsod, pumunta siya sa tore ng palasyo at sinunog ang paligid nito, kaya namatay siya.

19. Nangyari ito dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, at sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

20. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Zimri at ang tungkol sa pagrerebelde niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

21. Nahati ang mga mamamayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay gustong maging hari si Tibni na anak ni Ginat, at ang isang grupo naman ay gusto si Omri.

1 Hari 16