1 Hari 15:22-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasha sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.

23. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa.

24. At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.

25. Naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari si Nadab sa Israel sa loob ng dalawang taon.

26. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

27. Ngayon, si Baasha na anak ni Ahia, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasha si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo.

28. Ang pagpatay ni Baasha kay Nadab ay nangyari noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasha ang pumalit kay Nadab bilang hari.

29. Nang magsimulang maghari si Baasha, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahia na taga-Shilo.

30. Dahil nagalit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

31. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

32. Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha.

33. Naging hari ng Israel si Baasha na anak ni Ahia noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza tumira si Baasha, at naghari siya roon sa loob ng 24 na taon.

34. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.

1 Hari 15