1 Hari 14:7-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita.

8. Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at gumawa ng matuwid sa aking paningin.

9. Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga dios-diosang gawa sa metal.

10. Dahil dito, padadalhan ko ng kapahamakan ang sambahayan mo. Papatayin ko ang lahat ng lalaki, alipin man o hindi. Wawasakin ko nang lubusan ang sambahayan mo tulad ng dumi na sinunog at walang natira.

11. Ang mga miyembro ng sambahayan mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.’ Mangyayari itodahil Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

12. Pagkatapos, sinabi ni Ahia sa asawa ni Jeroboam, “Umuwi ka na sa inyo. Pagdating mo sa inyong lungsod, mamamatay ang iyong anak.

13. Ipagluluksa siya ng buong Israel at ililibing. Siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang maililibing ng maayos, dahil siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang kinalugdan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

14. At sa panahong ito, maglalagay ang Panginoon ng hari sa Israel na siyang gigiba sa sambahayan ni Jeroboam.

15. Parurusahan ng Panginoon ang Israel hanggang sa manginig ito tulad ng talahib na humahapay-hapay sa agos ng tubig. Aalisin niya sila sa magandang lupaing ito, na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno, at pangangalatin sila sa unahan ng Ilog ng Eufrates dahil ginalit nila siya nang gumawa sila ng mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera.

16. Pababayaan niya sila dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.”

1 Hari 14